Friday, September 3, 2010

Banig ng Pangamba

Banig ng Pangamba


Tukso kang lumatag
sa banig ng aking pangamba,
hinagod ng sariwang hininga
ang mga tulirong luhang
kimkim lagi sa ligamgam ng pag-asa
pero sa gabing ito, pakiusap ko,
ipatong ang iyong palad sa aking puso –
hindi magkakanlong ang init ng aking dugo


1994
(Salamat sa retrieval ni Murphy Red)

Pagpaslang sa mga Pangarap

Sa siyudad,
isa-isa silang humahapay
parang puno ng saging
na tinitiba pagkatapos kumain
ng sebong pinagyelo muna bago madaliang lutuin
at ikinulong sa mga istayropor na de-kolor
at tagusang plastik na tinatakan ng kamatayan.

Sa mga bukid, burol, at bundok
nagbabara ang lalamunan ng mga ilog at batis
sa pinagbalatan ng shampu, nudels, kendi, yosi,
sirang tsinelas na goma
hanggang maging nag-usling mga ngipin
ng isang higanteng halimaw
na lumalamon sa kinabukasan.

Tao ang nagtutundos ng mga pangako sa bukas,
tao rin ang pumapaslang sa kanyang mga pangarap.

(Unang Rebisyon)

Tuesday, July 21, 2009

My photo files are gone

Sa bawat paglilipat ng bahay,
isa o dalawang set ang nawala.
Narito na lamang sila sa gunita.
Mailalarawan na lamang sa mga salita.
Minsan, wala nang salitang makapaglalarawan.
Maliban sa isang buntong-hininga.
O pisil sa palad ng dating kakilala.

Sunday, July 5, 2009

Susan

Naaalala kita
sa entablado ng pakikibaka
hinihimig bawat himaymay
ng dusa o tagumpay;
kilik ang gitara
pinapaawit ng mga kuwerdas
kasabay ng tinig na humahaplos
sa ka luluwa -- sa kaluluwa
ng mga kababayang nagmimithi
ng ngiti sa umaga
ng samyo ng sanghaya
ng paghalik sa mga bulaklak
ng pag-asa
sa gitna ng dilim at dahas
na nakapako sa bawat balikat.
Sa huli,
kumalat sa sariling sistema
ang kanser na inaalis sa lipunan
ngunit matatag mong hinarap
tulad ng pagharang
sa mga baril at bala
sa lansangan ng buhay.
Awit kang aalingawngaw
sa lahat ng nagmamahal
sa kalayaan.

Wednesday, August 13, 2008

Hinog sa Puno

Kay Jackie, Pagkaraan ng Dalawang Dekada

!
!
!
!
!
!
!
!
!
!
!
!
!
!
!
!
!
!
!
!
Kumusta naman siya?

Monday, July 14, 2008

Apatnapung Mundo

Apatnapung mukha sa facebook
ang nagparingas sa mithing yapusin
gaano man kahapdi, gaano man kalalim
ang mga sugat ng ginahasang nakaraan
sa apatnapung mundo
ng tangis at tuwa.

Paglulunoy sa Lumang-lumang mga Larawan

Sa mga kaibigan sa UP Tropang Bodabil


Minsan lang naganap
sa atin ang lahat
ni hindi dumaplis sa hinagap
na manganganak
ng luha
ang muling pagsilip
sa mga singit
ng nakaraan.

Wednesday, June 4, 2008

Sa Pagpanaw ng Tag-araw

Pumanaw na ang tag-araw
ngunit maalinsangan pa rin
sa mga lansangan ng gunam:

Bakit may taong mayayabang
kahit walang ipagyayabang?
Maliban sa balakubak at tinga

kapag humahapon ang pangungulila
sa totoo nilang balikat.
Kahabag-habag ngunit walang magagawa

kundi impitin ang palatak
at asahang hawanin ng himala
ang kanilang abang bukas.

Sunday, April 13, 2008

Akyat Baba

Akyat

Habang nagpapaalam ang kanang kamay
nangungumusta naman ang kaliwa
hahabol ang kanan, susunod ang kaliwa
tinatalunton ng pagod ang lubid
na nakabitin sa tuktok ng bundok.

Baba

Pagsapit sa rurok
humihingal at pawisan
walang ibang pagpipilian
kundi dumausdos muli pababa
o manatiling habambuhay tiwalag
sa paglalakbay ng isang balahibo mula sa alapaap
alinsunod sa batas ng akselerasyon: a=f/m=dv/dt.

Saturday, March 29, 2008

Singsing na Apoy

The Philippines sits on the Pacific Ring of Fire
where continental plates constantly collide.
Dapyo ng amihan
sa talisik na tag-init
ang nagkukubli sa mga lihim
ng higanteng singsing na apoy
kumukubkob sa mga isla
ng mga pangarap at pag-asa
ng isang bayang nakaluklok sa paraiso
ngunit laging liniliglig ng delubyo.

Tuesday, March 11, 2008

Mas Masaya Bang Manlinlang?

"Ipinaglaban kita," sabi mo
nang may taginting ng kabayanihan.
"Salamat," tugon ko
kahit wala naman akong kinakalaban.

Kahapon, isang kalatas
ang pumasok sa aking inbox
nagtataka ang isang kaibigan
kung bakit ko tinanggihan
ang taos-puso niyang pabuya.

"Para raw iyon sa kanya,"
paliwanag ko habang naliliwanagan
na ang ipinaglaban mo para sa akin
ay ang pagkaalipin habang iyong inaangkin
ang tunay na para sa akin.

Sunday, March 9, 2008

Tubig sa Tubig

Ngipin sa ngipin
Mata sa mata
-- Banal na Bibliya


Dagat sa balakang
ang nagluwal sa aking hininga
matapos ang siyam na buwan
ng paglulunoy sa sinapupunan.

Sa dagat ako babalik
pagkapugto ng hangin sa dibdib
upang hagkan ang daigdig.

Mula sa isang puwing na alabok
sa alabok din uuwi.

Nais kong baunin
hindi ang hapis
kundi ang ngiti.

Dagat ang sinapupunan
ng aking ina,
babalik ako sa dagat
ng inang kalikasan.

Kaya sunugin ang aking bangkay
at ihasik sa dagat hanggang
kaliit-liitang alabok
upang mabuo ang ikot
ng buhay.

Tuesday, February 26, 2008

Kahit Nariyan Ka Pa Rin

The Arroyo administration has had a long history of dishonesty, deceit and lying. Its leaders are caught in a tangled web of deception. They have lost all moral authority to govern the nation.

Philippine Daily Inquirer, Editorial, 26 February 2008



Pero bakit nariyan ka pa rin?
Iwinawasiwas ang mga ahas sa ulo
isinisibat ang tingin sa mga kritiko
habang hinihimod ng salasalang dila
ang puwit ng pangamba sa mga alagad,
na nangulimbat sa kaban ng bayang
nagdidildil ngayon ng asin pantawid
sa mahabang taggutom na parating
habang nagpapakasasa kayo sa mga piging.

Pero kahit nariyan ka pa rin
tiyak na may pupugot sa iyong leeg
matapos sakluban ng sako ang ulo
upang tapusin ang yugto ng pamumuno
mula sa bangis at kamandag
ng panlilinlang.

Monday, February 25, 2008

Himaymay

and so it is
just like you said it should be
we'll both forget the breeze
most of the time

Damien Rice
The Blower's Daughter


Naninigid ang samyo ng pino
sa bawat butas ng aking balat
at ninanasa ng hapong balikat
ang batubalani ng iyong palad
na hihigop sa lahat ng sakit
magpupunla ng ngiti.


Akala ko'y kayang burahin
ang mga himaymay ng gunita
tulad ng pagpalas ng araw
sa halumigmig ng gabi.


Gayon ba kadaling limutin
lahat ng iyong pangako?

Friday, February 22, 2008

Baligtaran

666
Sa liblib
na liglig
ng ligalig
sumuksok
ang panibugho
at sumiksik
sa singit
ng pangamba:
Nasaan ka
ngayong gabing
nakatundos
ang tandang
pananong
sa hangin?
Ibinubulong
ng dilim
ang iyong ngalan
sa kanyang
piling.


999
Alimpungatan akong sumiksik
sa pagitan ng ulo mo’t balikat
ngunit walang nahagip ang aking ilong
kundi mga labi ng maghapon
noon sa upahang silid
na limot ng panahon
ngunit nasa dibdib ko
ang sutla mong palad --
salamat, salamat
sa lahat.

Saturday, February 16, 2008

Aling Pag-ibig pa ang Hihigit Kaya

Pasintabi kina Andres Bonifacio at Francisco Baltazar



Aling pag-ibig pa ang hihihigit kaya
sa pagkagahaman at pagkatimawa
gaya ng pag-ibig sa kaban ng bayan
hahamakin lahat masimot ka lamang?

LRT Railway, paliparan ng NAIA
oberpraysan lahat habang nakatunganga
ang masang magbabayad sa lahat ng utang
NBN-ZTE krona ng mga suwapang

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
naupo sa trono halalan dinaya
bawal ang umangal, titimbuwang bubusalan
dakilang pag-ibig sa kaban ng bayan.

Thursday, February 14, 2008

Kung Bakit Ayokong Maging Isang Rio Alma

Sinasabi ng kanyang mga alagad
na lahat ng makata pagkatapos ni Rio Alma
ay isa na lamang alingawngaw ng pantas
na pambansang alagad ng sining.

Masdan ang kanyang daigdig
na limitado sa makitid
na diyalektika ng negatib at pasitib
kung saan ang babae'y puta
at ang lalaki'y manlilinlang.

Hindi ko maisisilid
sa babae at lalaki lamang
ang aking realidad,
hindi ko maikakahon
sa de-numerong pantigan
ang aking mga larawan,
hindi ko matatalikdan
at muling babalikan
tatalikdan at babalikan
ang kilusang bayan
tulad ng pagtitinda ng pandesal.

Ayokong maging Rio Alma.
Di bale na ang mga titulo at pabuya
mula sa kanyang galing sa iba,
galing sa iba at mula sa iba pa
sa isang laberinto ng pulitikang
isinusuka ng kasaysayan.

Nais Kong Mahalin Ako ng Pag-ibig

Nais kong mahalin ako ng pag-ibig
tulad ng isang sariwang patak
ng dalisay na hamog sa madaling-araw
dahil minamahal ko siya
tulad ng luntiang dahong nakahandang
antalain ang pagyakap ng liwanag.

Wednesday, February 6, 2008

Aleluya! di na kailangan ng batas militar

Aleluya, aleluya, aleluya!
Halikan ang singsing ng Santo Papa
habang pinapaslang ang mga walang sala
at idinadambana ang mga magnanakaw.

Aleluya, aleluya, aleluya!
Di na kailangan ng batas militar
dahil di naman naglaho mula't mula pa
ang punla ng bangis
ng mga manggagahis:
mula barikadang bakal sa mga kalsada
hanggang rosas na ihian sa mga bangketa
wala tayong ipinagkaiba
sa Nazi concentration camp
kapkap kana, kaliwa, kanan
dinudunggol ang suso ng mga dalaga
dinadakma ang bayag ng mga binata.
Ano pang larawan ang mas marahas
kaysa bagong pintang mga rehas
sa sarili mong tahanan?

Aleluya, aleluya, aleluya!
Kailan lilipas ang bisa
ng gayumang tatak EDSA?

E Ano Ngayon, Tongresman?

????????
//////////
>>>>>>>>>
<<<<<<<<<<
&&&&&&&&&&
%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%
%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%
%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%

hahaha

zzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzz

tsunami sa aking dibdib

pinagngangalit
mo ang tsunami
sa aking dibdib

tuwing ipamamaraling
isa kang diyos-diyosan
ng kilusang bayan

dahil minsan man
hindi ginawa ng marx
lenin at mao

ang magyabang
kundi pumaslang sa sinumang
kaaway ng digmang bayan

May Karapatan Tayo sa Sariling Impiyerno

Paumanhin sa mga pinagpipitaganang
mohon ng panulaan at kilusang mapagpalaya.

Kung laging susundin ang payo ng mga paham
na nabuhay sa kanilang sariling panahon

kung gagagarin lamang maging ang kanilang paraan
ng paghabi ng salita at pagsusukat at tugma,

kung lagi lamang susundan ang bakas
ng nangaunang manlalakbay

disinsana'y walang nakarating sa buwan
o walang satellite na umiikot sa mga planeta

o walang kompyuter o walang cellphone
na nag-uugnay sa mga tao ng bawat bansa

di kaya natin pinagkakaitan ang mga sarili
ng pagkakataong dumanas sa personal na impiyernong

walang ibang makakaunawa kundi mismong indibidwal
na naglalakbay nang lampas sa mga takdang pamantayan

at naranasan kung ano ang kahulugan
ng tunay na paglikha at tunay na kalayaan?

Umiikot ang Roleta

Taya, taya, taya
sa bangkang mandaraya!

--- Isang kasabihan



Pagkatapos ng piging
sa bahay ng prinsipe,
nagsimulang umikot ang roleta
sa bulwagan ng mga lehislador:

"Sibakin sa puwesto si Juan de Bola!"
utos ng haring bagong opera.
"Di puwedeng mas malaki
ang hati niya sa bibingka!"

Samantala, biglang naglaho sa paliparan
ang kinatawan ng barangay na may kagagawan
sa pagkakabuking ng transaksiyon sa China
bago pa man nakapagturo ng iba pang kasabwat.

Pagdaka'y sumungaw sa pinagtaguang lungga
ang ulo ng bubuwit na nagsabit
sa tagapalit ng mga boto ng reyna
at nagbingit sa kanya sa pagkapiit.

"Jackpot!" sigaw ng kalahok na nagpaikot
ng roleta sa kontes ni Chris sa telebisyon.
"Jakpat!" sabay na sigaw ng reyna at hari
na siguradong-siguradong wala nang impits-impits.

Kanino kayang roleta ang susunod na paiikutin
upang walang umangal sa mga kurakot ng bayan?

Mga Pusa sa Basang Bubungan

Lagi silang naglalampungan.
Tuwing madaling-araw, Exorcist ang eksena
sa basang bubungan ng aming bahay
matapos umapaw ang tubig sa tangke.
Magtatawag ang babaeng tila nakikipag-away
sa lalaking papangal naman sa kanyang batok
hanggang magpagulong-gulong sila sa yero
at maghabulan sa malalapad na alulod
kumakayod ang mga kuko, nakangingilo
pati ang pagbagsak nila sa semento
at muling pag-akyat sa pader.
Maraming beses nang gusto ko silang barilin
paslangin maging ang romantisadong mito
ng matatalinong pusa mula sa panahon ng Griyego
dahil sobrang istorbo ang pagpapalipas nila ng libog
lalo't pumupunit sa dilim ang mga halinghing
habang namamaluktot akong tanging kasiping
ang mga tiklada ng kibord at monitor na dekolor.
Bukas, titiisin ko na ang mga galos
mula sa matalas nilang mga kalmot
habang isa-isa silang isinisilid sa sako
upang mahimbing na rin sa pagtulog.

Tuesday, February 5, 2008

Sapagkat Kilala Kita

Kilala kita, oo, kilala kita.
Kilala ko ang patulis na mga daliri sa iyong paa
Kilala ko ang kambal na biloy sa iyong balakang
Kilala ko ang pasang-krus na nunal sa iyong katawan
Kilala ko ang mga kuko mong laging bagong tasa
Kapag humagkis sa balat kong katal at pawisan.

Kilala kita, oo, kilala kita.
Kilala ko ang anghang-tamis ng iyong dila
Kilala ko ang liwanag mula sa iyong mga matang
Medusang naglalagos sa aking kaibuturan
Kilala ko ang maalat na patak ng pawis
Sa aking mga labi habang hinihimod ang iyong leeg
Kilala ko maging ang singaw ng bagong tabas na damo
Nangungunyapit sa hangin at sa aking paghimlay.

Kilala kita, mahal ko.
Ngunit hindi ko mahuhulaan kung saan iihip ang hangin bukas
O kung saan hahapay ang mga puno o mahuhulog ang mga dahon
O papatak ang ulan o sisikat ang buwan o aahon ang mga alon
O lulubog ang mundo. Kilala kita hanggang ngayon
Ngunit hindi na kita kilala bukas o sa makalawa
Tulad ng hindi mo rin pagkakilala sa sariling pasya
Kapag binigkas natin ang paalam sa sandaling ito.

Kilala kita, mahal ko, kilala kita.
Ngunit huwag nating sambitin ang pagkabatid
Sa kawalan ng pagkabatid sa bukas.
Hindi ko kilala ang aking sarili
Kapag naglaho ang mga gunita.

Birtuwal na Birtud

Magkaiba tayo ng realidad.
Sigurado.
Naaaliw ako sa mga konsert mong
Nakabalandra sa youtube
Maging sa mga pelikula mong
Pornograpiko
Sa iyong website.
Naramdaman ko na minsang lumagos
Mula sa monitor ng PC ko
Ang iyong dilang humagod
Sa akin mula ulo hanggang paa
Ngunit pagdilat ko'y wala
Ka na muling kabuhay-buhay.
Mas mabuti pang
Mag-YM na lang tayo
Upang makilala ko
Sa mga salita
Ang tunay mong
Pagkatao.

Monday, February 4, 2008

Pagitan ng Gunita at Hinagap

Ngayon ang pagdating
ng ating mga pangamba --
mga pileges sa noo at pisngi,
mga kulubot sa braso at leeg
mga keso de bola sa tiyan --
na tila hindi napaghandaan
sa kabila ng maraming taon
ng paghahanda sa paghinto
ng pagtibok ng puso.

Sa pagitan ng gunita at hinagap
ipupunla natin ang mga rosas
na papangarapin ng susunod
na salinlahi
habang pataba tayong
nagpapalusog sa mga pananim
kapiling ng mga uod.

Sa Muling Pagsisindi ng mga Upos

Parang pag-ahon sa pagkalunod
ang pagsisindi muli ng upos:
tiyak lalasa ang mga dekada
ng kawalang-kibo
sa bawat hitit-buga
na unti-unting nagtatanim
ng kanser sa dilang
pinipi ng pananahimik
tungkol sa mga di-nais marinig
at mga di-nabigkas ngunit nais marinig,
tungkol sa mga nabigkas
ngunit minasdan lamang lumutang
sa alapaap ng hinagap
na naging usok ngayon ng upos
na kay hirap muling sindihan
gaano man kaalab ang apoy
ng panlabas na pakikiramay.

Sunday, January 20, 2008

Luwal ng Internet

Kasimbilis ng connection speed
ang pagbagsak ng mga salitang
pag-ibig, pagmamahal
sa bawat kable ng internet
pero pagkatapos ng aybol o SEB
hinuhubad ang mga anyo
at idinadakdak sa basurahan
ng banyo sa motel
upang magbanyuhay
sa bagong imbentong pangalan.
Kailangan kasing makarami.
Presyong pakyawan
sa palengke ng laman.

Paghupa ng Libog

Paghupa ng libog
tulad ng isang bagyo,
nagtumba ang mga puno
sa kalsada
nagkalat ang mga dahon
lagas at sariwa
at parang sinabunutang bulbol
ang damuhan.

Kaya sinusuhayan ko
ang damdaming kubo
bago sumugba sa ulan.

Wednesday, January 16, 2008

Baunin Mo ang Iyong mga Luha

Sa iyong pagkalimot ngayon
Sa inang naghihingalong
Tumatawag sa iyong pangalan,
Baunin mo pati ang iyong luha
Sa kanyang pagpanaw.

Aanhin mong lahat ng lupaing
Ipinakikipagpatayanan
Binubuhusan ng dagat ng salapi
Gayong sandakot na abo lang
Ang isang tao pagkasunog
Sa krematoryum?

Mabibili ba ng lahat mong salapi
Ang ngiti sa inang nagbabaka-sakaling
Mabuhay pa nang kaunti
Upang makausal ng dalangin
Sa mga supling na winatak-watak
Ng sarisariling tatak ng pagkaganid?

Sa iyo nang lahat ng nasa akin
Maging ang magiging mga darating
Huwag mo lang ibilibid ang pisi
Ngayon sa sariling leeg
Habang nagkakait, nagkakait
Sa inang may dakilang awit
Kapag ang mga mata'y
Tuluyang pumikit.

Hindi kapalit ng lahat ng rangya
Ang sansaglit na ligamgam
Ng haplos sa iyong mukha
Ng mga palad na habambuhay
Sa iyong nagpala.

Walang silbi ang mga luha
Kung sa kamatayan pumapatak.

Matapos Akong Mamatay

Lumilipas lahat:
Ang mga taong umaba sa akin,
Ang mga taong naaba sa akin;
Ang mga pag-ibig na ngumiti at lumisan,
Ang mga pagmamahal na humanggan;
Silang dinakila ngunit di nakilala,
Silang di nakilala ngunit dinakila.
Lahat-lahat ay lumilipas
Tulad ng mga orkidyas
Na napigtal din sa mga tangkay
Ngayong madaling-araw
Dito sa hardin habang naghuhukay
Ako ng lupang tatamnan
Ng mga punong mabubuhay
Matapos akong mamatay.

Saturday, December 22, 2007

Rebelyon sa Pabilyon

"Dapat palitan ang korap na gobyernong ito!"

-- Isang Sundalong Pilipino


Saan nga ba mapupunta
ang protesta ng mga aktibista
kung idaraos sa persklas na pabilyon
at ibobrodkas sa midya?

Wala ni anino ng kritikal na masang
dalawang beses sumakop sa EDSA.

Nasaan ang mga rosaryo't bulaklak,
ang mga ngiti, dasal at palakpak?

Nasaan ang taimtim na pag-ibig?

Umasik ang takipsilim
sa isahang-panig na putukang
umalingawngaw sa hotel.
Parang baboy na itinali
ang midyamen at obispo
matapos magsiwalat ng hinaing
laban sa tusong gobyerno.

Pagkalabas sa piitan
ng mga nagsipaghimutok
balik sa dating gawi
ang ikot ng mundo.

Kaysaklap!

Korap man ang gobyernong ito, sundalo,
tiyak namang di maiguguho
ng isang rebelyon lang sa pabilyon.

Sunday, December 16, 2007

Sa Muling Panonood ng Forrest Gump

Masinop, madulas, makinis:
sadyang ganyan ang pelikula
sa pananaw ng isang bayaning mangmang.

Samantala, narito tayong nanonood:
kinakatas ang tubig-alat sa mga mata
binato-balani ng mahika ng makina.

Wednesday, December 12, 2007

Matabil na Kagat-labi

Kapag nahuli kitang nakatitig sa akin
Di ko ibubulsa ang mga bituin
O susungkitin ang buwan sa pisngi
Titiklupin ko lang ang mga palad
Sa kumakatal kong kandungan
Habang nagnanakaw ng silip
Sa iyong nasang lumulusaw sa aking dila
Nagpapatahip sa dibdib kong hinihigop
Ng matabil mong kagat-labi.


Huwag mo akong ampunin
Sa palasyo ng mga gunitang
Pupunitin din pagsikat ng araw.

Thursday, November 8, 2007

Sorry it didn't work out

Hi. This is the qmail-send program at yahoo.com.I'm afraid I wasn't able to deliver your message to the following addresses.This is a permanent error; I've given up. Sorry it didn't work out.

-- Yahoo Autobot



Ikinalulungkot kong hindi nagtagpo
ang mga alon sa ating mga puso.

Wednesday, November 7, 2007

Ang mga Barya ni Emily Padilla

Ihinatid sa aming tarangkahan isang umaga ng Sabado ang apat na pirasong lilibuhing masinop na nakakubli sa loob ng humahalimuyak na sobre mula sa kaklase noong hayskul na tanyag na ngayong abogada at negosyante ng mga alahas sa probinsiya.

Pagkaalis ng naghatid -- isang dati ring kaklase mula pa noong elementarya na naging hipag ng nagpadala -- na hindi na nakuhang bumaba sa van dahil nagmamaneho pa habang kinukulit ng bunsong anak, dumating naman ang text na humihingi ng paumanhin sa kaunting halagang naimbag sa panahon ng aking kagipitan.

Habang minamasdan ang apat na pirasong papel na lumatag sa aking mga palad, namasa ang aking mga mata at tahimik na dumaloy ang luha hanggang mabasa pati ang kuwelyo ng suot kong kamisetang puti.

Sa tatlong dekada ng aming pagkakakilala, hindi ako tumanong minsan man sa kanila sukdulang lakarin balikan mula kasera hanggang eskuwela para matapos ang kurso sa Diliman.

Subalit nang Sabadong iyong nakabingit ang buhay ng sariling ina sa ospital at nasimot na hanggang sensilyo sa bulsa, ipinagparaya ko na ang anumang pagmamalaking natitira sa aking dibdib upang makatawid siya sa disgrasya.

Sa aking paghalik sa lupa, doon ko nakita ang aking pinag-ugatan at ang bukal ng pagmamahal mula sa mga kababatang kay tagal kong ipinagkait sa sarili.

Tuesday, November 6, 2007

Sapat na iyon sa akin

Mahal ko:

Sapat na sa aking nasaling mo ang aking damdamin sa minsan nating pagniniig.

Hindi naman natin ito kailangang ulit-ulitin, tila mga hibang na ipinaghahampasan ang mga aligagang katawang-lupa sa apat na panig ng silid, upang matuklasan ang bukal ng hiwagang nagpapasarap sa bawat pagtatalik.

Wala sa pagpusitsit ng sariwang punlay ang mga himaymay ng pag-ibig. Wala sa bawat haplos ng sutlang palad mong apoy na dumarang sa aking balat hanggang matupok natin ang yutang pintig ng mga sandali. Wala sa pilantik ng mga titig habang magkadikit ang ating mga mukha at malapit nang maglapat ang nagbabagang mga labi.

Hindi ko natagpuan ang hiwaga sa mga larawan ng pag-ibig na ito maliban sa mga titis na nilipad ng hangin sa kawalan.

Tulad mo rin marahil, hindi ko pa rin natatagpuan ang hiwaga ng pag-ibig.

Subalit tiyak akong hindi ito nakapinid sa silid ng ating mga nasa.

Kung saan man ito matatagpuan, hinihiling kong palayain muna natin ang isa't isa upang patuloy na maglakbay sa napakaikling buhay upang tuklasin ang hiwaga ng pagmamahal.

Sapat na sa aking minsang tayong nagsiping.

Ako

Monday, October 29, 2007

Kung Tulad Lang Sana ng Hard Disk

Memorya:
mga bahagi ng buhay
na ikiniskis sa malinis na hard disk
hanggang magdikit-dikit ang files
at idefrag, bawasan, ireformat.

Kung ganito lang sana kadali
magbura ng mga gunita
hindi ko na ipaghahampasan pa
sa apat na sulok ng silid
ang sariling ulong punong-puno
ng iyong tinig ng tinapos na pag-ibig.

Kung tulad lang sana ng hard disk
ang aking dibdib, kaya ko nang magmahal
sanlibo mong ulit matapos maalis
ang nakazip mong mga halik upang malimutan
ang lahat ng sakit.

Saturday, October 27, 2007

Karnabal ng mga Karibal

Buhol-buhol ang mga relasyon
parang butil ng sampung rosaryong
nabalibid sa leeg ng rebulto
hanggang di na makita ang puno't dulo
ng bawat abaginoongmaria at misteryo:
dating kalaguyo ni Jose si Almira
pero kinakasama ngayon ni Jose si Pepe
at dating kasintahan ni Pepe si Almira
habang dumadalaw-dalaw siya kay Perla
samantalang dating kagustuhan ni Perla
si Jose na kalaguyo dati ni Almira.
Kung nahihilo ka sa hilera
ng mga pangala't katawagan
tumawa na lang nang tumawa
sa piling ng sariling mahal.

Saturday, October 20, 2007

Hindi na natutulog ang mga gabi

Hindi na natutulog
ang mga gabi.

Dito sa baybay,
walang humpay ang hampas
ng mga alon sa batuhan.

Ayaw pumikit ng mga bituin
at mulagat lagi ang buwan
habang minamasdan ang marahang
paglubog ng iyong larawan.

Nakabibingi ang koro ng mga kuliglig
na sumasalit-salit sa pagaspas ng hangin
at lagaslas ng mga bula sa aking talampakang
nakalawlaw sa gilid ng isang bangka
habang naghahalikan ang tubig at buwan
sa malayong panginoring kinaiingitan
ng mga mata kong kukurap-kurap na lang
sa paghihintay lunukin ng dagat
ang iyong larawan.
Sa katahimikan, biglang lulutang
ang tinig mong tumatawag
sa aking pangalan, humahagikgik
na pinapahid ng dila
ang mga alaala.

Ngunit lulubog-lilitaw sa tubig-alat
ang kislap ng iyong mga matang
ayaw tumigil nang pagkutitap sa dilim,
ang mga labi mong posporong
umiigkas sa kilapsaw ng mga alon,
ang iyong mga daliring nanunurot
sa aking dibdib. Oo, kasalanan ko
ang umibig nang walang iniwan para sa sarili
maliban sa bakas ng iyong mga halik
sa aking pisngi, sa aking leeg, sa aking dibdib
maliban sa ilang hibla ng buhok na nalagas
at ihinatid ng hangin sa aking mga palad
maliban sa malalalim na gasgas sa aking gunitang
hindi kayang tangayin ng alon sa pampang
hindi kayang lunurin ng uliuli sa dagat
hindi kayang ilibing ng mga luhang kumakalat
sa pusod ng gabing di makatulog sa hapdi
ng inaasinang sugat sa puso sa bawat sandali.