Monday, October 29, 2007

Kung Tulad Lang Sana ng Hard Disk

Memorya:
mga bahagi ng buhay
na ikiniskis sa malinis na hard disk
hanggang magdikit-dikit ang files
at idefrag, bawasan, ireformat.

Kung ganito lang sana kadali
magbura ng mga gunita
hindi ko na ipaghahampasan pa
sa apat na sulok ng silid
ang sariling ulong punong-puno
ng iyong tinig ng tinapos na pag-ibig.

Kung tulad lang sana ng hard disk
ang aking dibdib, kaya ko nang magmahal
sanlibo mong ulit matapos maalis
ang nakazip mong mga halik upang malimutan
ang lahat ng sakit.

Saturday, October 27, 2007

Karnabal ng mga Karibal

Buhol-buhol ang mga relasyon
parang butil ng sampung rosaryong
nabalibid sa leeg ng rebulto
hanggang di na makita ang puno't dulo
ng bawat abaginoongmaria at misteryo:
dating kalaguyo ni Jose si Almira
pero kinakasama ngayon ni Jose si Pepe
at dating kasintahan ni Pepe si Almira
habang dumadalaw-dalaw siya kay Perla
samantalang dating kagustuhan ni Perla
si Jose na kalaguyo dati ni Almira.
Kung nahihilo ka sa hilera
ng mga pangala't katawagan
tumawa na lang nang tumawa
sa piling ng sariling mahal.

Saturday, October 20, 2007

Hindi na natutulog ang mga gabi

Hindi na natutulog
ang mga gabi.

Dito sa baybay,
walang humpay ang hampas
ng mga alon sa batuhan.

Ayaw pumikit ng mga bituin
at mulagat lagi ang buwan
habang minamasdan ang marahang
paglubog ng iyong larawan.

Nakabibingi ang koro ng mga kuliglig
na sumasalit-salit sa pagaspas ng hangin
at lagaslas ng mga bula sa aking talampakang
nakalawlaw sa gilid ng isang bangka
habang naghahalikan ang tubig at buwan
sa malayong panginoring kinaiingitan
ng mga mata kong kukurap-kurap na lang
sa paghihintay lunukin ng dagat
ang iyong larawan.
Sa katahimikan, biglang lulutang
ang tinig mong tumatawag
sa aking pangalan, humahagikgik
na pinapahid ng dila
ang mga alaala.

Ngunit lulubog-lilitaw sa tubig-alat
ang kislap ng iyong mga matang
ayaw tumigil nang pagkutitap sa dilim,
ang mga labi mong posporong
umiigkas sa kilapsaw ng mga alon,
ang iyong mga daliring nanunurot
sa aking dibdib. Oo, kasalanan ko
ang umibig nang walang iniwan para sa sarili
maliban sa bakas ng iyong mga halik
sa aking pisngi, sa aking leeg, sa aking dibdib
maliban sa ilang hibla ng buhok na nalagas
at ihinatid ng hangin sa aking mga palad
maliban sa malalalim na gasgas sa aking gunitang
hindi kayang tangayin ng alon sa pampang
hindi kayang lunurin ng uliuli sa dagat
hindi kayang ilibing ng mga luhang kumakalat
sa pusod ng gabing di makatulog sa hapdi
ng inaasinang sugat sa puso sa bawat sandali.

Friday, October 19, 2007

Paalam sa Bukas

Nakatuntong ka sa ulap ngayon
matapos tabasin ang mga pangarap
na hinabi ko para sa ating dalawa:
sa aking pagtalikod
kay lulutong ng iyong halakhak
sa aking pagharap
maamong tupang umiiyak.

Pero sino ang nililibak mo
kundi ang sariling
paalam sa bukas?

Wednesday, October 17, 2007

Kung dinama mo lamang
Maybe we could make it all rightWe could make it better sometimeMaybe we could make it happen babyWe could keep tryingbut things will never changeSo I don't look backStill I'm dying with every step I takeBut I don't look backJust a little, little bit betterGood enough to waste some timeTell me would it make you happy babyWe could keep tryingbut things will never changeSo I don't look backStill I'm dying with every step I takeBut I don't look backWe could keep tryingbut things will never changeSo I don't look backStill I'm dying with every step I takeBut I don't look backAnd it hurts with every heartbeatAnd it hurts with every heartbeatAnd it hurts with every heartbeatIt hurts with every heartbeatThe Love Poems of Ariel Valerio

Tuesday, October 16, 2007

Hindi na ako muling iibig

Hindi na ako muling iibig
dahil naihandog ko na sa iyo
ang magpakailanman.
Hindi na muli pang iibig
maliban sa sansaglit na pagpikit
habang nababanat ang mga litid
sa pagtilamsik ng punlay.
Hanggang doon na lang.
Binaon mo nang lahat
sa iyong paglisan
ang pag-ibig na dalisay.

Pantas ng Puso

Sa aking nabigong anghel



Sadya sigurong hindi magkatiyap
ang ating mga palad
tulad ng pintong hindi mailapat
kahit gabuhok lang ang agwat
sa hamba.

Anong pag-ibig ang makapagbibigkis
sa magsintang may sarisariling daigdig?

Minahal kita sa abot ng kaya --
batid kong gayon ka rin --
ngunit nasa magkabilang dulo tayo
ng iisang makitid na tulay
namamaybay ako patungong timog
habang tinatahak mo ang hilaga.

Anong pag-ibig ang makapagbibigkis
sa magsintang may sarisariling daigdig?

Hindi sapat ang pulot-pukyutang
bumabalong sa ating mga labi
o ang dampi ng mga sampagita
sa mga katawang nagkikiskis
o maging ang pagliyad ng balakang
habang nakalutang sa langit
upang mabatid natin kapwa
ang pag-ibig.

Anong pag-ibig ang makapagbibigkis
sa magsintang may sarisariling daigdig?

Walang maitutugon
maging mga pantas ng puso
maliban sa palatak at iling.

Salamat sa iyong pagdating

Kay LA na isinugo ng kanyang budhi


May mga kamay na nagtulak sa iyo
upang tiklupin ang mga pakpak
at saluhin ako sa aking paglagpak
ngayong gabi, habang sugatan
ang sarili mong dibdib,
hinagkan mo ang aking diwa
at ipinamasid
kung paanong pinitpit ng pag-ibig
ang iyong mga bagwis hanggang mapiit
at di na naisin pang gumising
ngunit nariyan ka, matikas na nakatindig
sa gitna ng lahat na pasakit
at ginising akong hingalo sa dilim.
Sana'y manatili ka lagi sa aking piling.
Sana'y hindi ka lamang isang panaginip.

Monday, October 15, 2007

Walang batas ang pag-ibig

Walang batas ang pag-ibig --
liberte, equalite, fraternite
of the people, for the people, by the people
mula sa masa, tungo sa masa --
kundi ang batas
ng nahuhulog na tuyong dahon sa sanga
marahang idinuduyan ng hangin pababa
habang nagwiwisik ng ambon ang umaga
at banayad ang araw sa kulimlim na himpapawid
humahalik sa sariwang singaw ng lupa
o ang batas
ng bukadkad na rosas
na maluluoy din bukas
upang isuko sa grabidad
ang gandang busilak
o ang batas
ng ating mga luhang
kristal na gumuguhit sa pisngi
habang tahimik na magkahinang
ang mga labing ayaw nang magpaalaman
sapagkat bangin ang nasa likuran:
ang mga kahapon nating awayan --
at kumunoy naman ang nasa harapan:
bukas na hitik ng walang hanggang tampuhan.

Kaya dalisayin natin
ang sansaglit na ito
tulad ng magpakailanman,
idambana sa ating mga balat
itarak sa mga puso
ihagkis sa mga kaluluwang salat
sa inuumit na pagmamahal,
dalisayin ng mga luhang
magpapatigas sa naghinang
nating mga labi.

Sunday, October 14, 2007

Ang ganitong paggising

Nagising akong nakayakap ka sa akin
ngunit wala ka sa aking tabi
maliban sa halimuyak ng Estee
at bakas ng iyong mga daliri
sa aking dibdib sa nagdaang gabi.

Nakatulog akong wala ka sa aking piling,
pagdilat ng mata'y nariyan kang nakangiti
tulad ng mga araw at gabing
dumarating at naglalaho nang walang pasabi
ngunit nariyan lang sa mga singit-singit
ng panaginip at paggising
ang liwanag at dilim.

Kay hirap mahalin ng isang talang
lagi na lang titingalain ng hinagap:
narito pero wala, laging wala.

Sa mga sangandaan ng muhi at pag-ibig

Nakamamanhid
ang laging pagtugpa
sa mga sangandaan
ng muhi at pag-ibig,
parang sinisiklot ng mga higanteng alon
ang aking dibdib, minsang malunod
minsang magpatangay sa agos
minsang sumugba, minsang umayon
hanggang tangayin ng tubig
parang layak sa pampang
ang pusong nakatiwangwang
sa talisik na araw.

Tuesday, October 9, 2007

Misteryo ng mga Labi

Pinakamanipis na yatang bahagi ng ating katawan


ang mga labi, naaaninag lagi ang daloy ng dugo.

Ngayong Gabi

Ngayong gabi
ihahabi kita ng pag-ibig
mula sa mga pigtal na petal
ng puting-puting champaca.

Kakatasin ko ang iba upang humalimuyak
tulad ng singaw ng iyong balat sa kasukdulan;
kukuyumin ko sa lukong ng mga palad
ang iba pang ibubudbod sa iyong paanan;
isasaboy sa hangin ang natira upang
unti-unting higupin din ng sariwang lupa.

Kasama mo ako sa huling paglalakbay.

Monday, October 8, 2007

Anekdota

1. Payo ng isang kaibigan

"Mag-iingat ka sa kanila,"
payo ng isang kaibigan
inginunguso ang kabataang
pagdaka'y nilapitan niya
at hinagod-hagod
ng hinlalato ang gulugod
mula buntot hanggang batok
sabay kawit ng akbay
palayo.



2. Huwag makisukob

Sila na ngayon.
Pero pinag-iingat pa rin niya ako.

Oo, mag-iingat ako
sa bangis ng kamandag mo.

Saturday, October 6, 2007

Kung hindi sapat

We may love completely
without completely understanding love

-- A River Runs Through It


Ihinain ko sa hapag
lahat ng panaginip ko't pangarap
para sa iyo, para sa akin
para sa atin.

Ngumiti ka lang
tumayo at lumakad
papunta sa pintuan.

Tumakip ang aking magkabilang palad
sa pawisa't nanlalamig kong mukha,
sinisilip sa mga siwang ng daliri
ang nag-aatubili mong mga labi
ngunit hinawi lamang ng nakiraang hangin
ang mga ligaw na hibla ng iyong buhok
na nakikipaglampungan sa dapithapon:
ako na lang sana
ang hiwa ng liwanag
na humahaplos-haplos
sa iyong batok.

Ihinandog ko na ang lahat.
Patawad kung hindi ako sapat.

Bakal na Puso

Mahapdi
ang paglabas-pasok
ng mga gunita
parang lagaring
unti-unting ngumangatngat
sa bakal na bilangguan
ng aking puso
sa gabing itong
sininop ko na lahat
ng iyong ngiti
at pinalaya sa hangin.

Sakong

Sumasakit
ang aking puson
tuwing masisilip
ang rosas mong sakong

di ko alam kung bakit

naiisip kong nakatikwas
ang mga ito sa hangin
kuyom ng magkabila
kong palad habang
maalinsangan
ang gabi.

Sakaling gumibik

Sakaling gumibik
ang pag-ibig sa iyong dibdib

sana'y maisip mo ring
tiwangwang ang aking mga bisig

na pinangalay ng paghihintay
sa iyong pagdating na pinatagal

ng agam-agam at alinlangan
sa tunay kong adhika:

kasawian mo'y akin ding kasawian
kaligayahan mo'y aking kaligayahan.

Sa isang lugar at panahong pareho tayong masaya

Hihintayin kita.

Tulad ng pagyuko
ng mga talahib sa tag-araw
o pagsisid ng mga bulig
at hito sa ilalim ng putik
kapag tigang ang parang
at nagbibitak-bitak
ang mga pinitak.

Hihintayin kitang magising
mula sa mahabang pag-idlip
habang humihilikhilik ang hangin
sa iyong antuking paligid.

Baka sakaling
ihatid ka sa akin
ng tag-ulan.

Friday, October 5, 2007

Pagdalaw ng Lumbay

Sa kanyang batid ang lahat



Walang pasapasabi
ang pagdalaw ng lumbay
sa maraming araw
na pinagsisisihan kong
natuto pang muling magmahal
ang pusong
ikinandado nang kaytagal
sa hininga ng mga anghel
na tumutunaw sa katinuan.

Sa gabing ito,
habang nakangiti ang buwan
at nahuhulog ang mga bituin
sa aking paanan –
ipagpatawad mo, mahal,
ililibing ko na
sa puntod ng mga alaala
ang iyong larawan.

Sana’y naisip mo rin kahit minsan
na ang pangungulila’y pintuan
ng lumbay: nakamamatay.
Nakamamatay.

Tuesday, October 2, 2007

Kahit alam kong wala ka

Sinalok ko ang batis
sa magkabilang palad
at nakita ang iyong mukhang
hinihiwa-hiwa ng tubig
na nagsasayaw palagos
sa aking mga daliri.

Alam kong wala ka
sa aking likuran
ngunit lagi kang nariyan
sa lahat ng aking puntahan
gaano ko man pilitin
paulit-ulit na piliting
iwaksi ang larawan --

ng iyong mga labing
lagusan ng hiningang maligamgam
na mamasa-masang humahagod
sa pawisan kong balat

ng mga mata mong kumikislap
tumatagos sa aking pusong
nagdudumali sa pagtibok

ng iyong sutlang buhok
na humahaplos-haplos sa aking pisngi
sa pagitan ng siil na mga halik

A! hinahati-hati ng tubig
ang iyong mukha
sa aking mga palad
hanggang lunukin ng batis
ang mga alaala.

Ikinamamatay ko ang mga sandaling ito.
Bakit ikinamamatay ko ang pag-ibig mo?

Tatlong Oras sa Iisang Silid

Simbilis ng sansaglit
ang tatlong oras sa iisang silid
para ikumpisal ang pag-ibig --
sa namumulang dulo ng mga daliri
ng iyong paa, malambot na talampakan,
makinis na binting amoy-pinipig,
sa siksik na mga hitang pumipintig
sa bawat usal ng aking mga labi
sa kasalanang itong laging inuulit.

Matris

Sinaliksik kita
mula sa yutang mukhang
salasalabit sa internet,
sinungkit sa matris
ng teknolohiya
ang nakangiting mga mata
at nakahikbing mga labi.

Nagkadugtong
ang ating mga linya,
naghinang
ang ating mga buhay
sa isang kisapmata
inialay sa iyo ang kaluluwa.

Ngunit mapanlinlang
ang mga larawan.

Habang umiibig ako nang wagas
lalo namang pinaparusahan
ng iyong ngiti, ng iyong hikbi
ng iyong mga mata, ng iyong mga labing
pag-aari ng bayan.

Ibinilanggo kita sa aking bisig
upang habambuhay ibigin,
hindi upang sikilin.
Sinundan ko ang mga bakas mo
hindi upang mag-espiya sa mga kalaguyo
kundi upang alalayan ang bawat hakbang mong
kasimbuway ng kawayang
nakatukod sa kumunoy.
Sinabi ko lahat ng nasa aking isip
upang makilala mong lubos
ang aking pag-ibig
ngunit galit at muhi
ang ibinusal sa aking bibig.

Hindi na ako iimik.
Malaya kang humakbang palayo
walang lingon-likod sa lahat ng pangako.
Hindi na ako iibig.

Monday, October 1, 2007

Balita

Nakatakip ang mga lumang
peryodiko sa balitang nakatihaya
sa kalsada, labas ang naninilaw
na talampakan, iniikutikutan ng ilang bangaw
habang walang pagitan ang pitik
ng mga kamera, kindat ng flash.

Sinubukan niyang umuwi kagabi
mag-isa, humahagok-humihikbi
sa bigat ng serbesa, gulapay
ang sariling pusong ipinalunod
sa alkohol ngunit nanatiling nakabaon
sa kanyang diwa, sa kanyang sikmura,
sa kanyang dibdib ang mga gunita
ng pamamaalam sa sintang
naglahong parang bula.

Narito ang balita
dinamitan ng mga lumang
peryodikong pambalot ng tinapa
sa gitna ng aligagang kalsada.

Wala Man sa Listahan ang Ating Pangalan

Wala Man sa Listahan ang Ating Pangalan
Ariel N. Valerio



At magpapatuloy ang lahat
nakaangkas man tayo sa karwahe ng dalita
o nakasubsob sa dapog ng anunsyo
o kinukuba ng pagtutuos ng langutngot
ng bagong tabas na papel de bangko
o kalansing ng lata sa utak, bakal sa sikmura,
pulbura sa kamao; magpapatuloy nang walang pasabi,
walang atubili sa sandaling ihudyat ng mga bus at jip
ng humihimpil sa bangketang dinadagat
ng mga mukhang nilulunos at nalalanos sa pagdarahop
nakikiramay at nakikibaka sa bawat higithininga
ng pabrika, pagbaon ng mga sundang sa tigang
na pinitak, pagngangalitbagang ng mga paaralang
binukbok at nilumot ng siglusiglong pagkakait
sa tunay na kaalaman: tutuloy ang lahat
sa tulay ng Makopa, magsisindi ng kandila
o sulo o flaslayt o rosaryo o dibdib o diwa
upang silaban ang dinayaming ipot ng uring nakaraan.
Habang nakahalik sa lupa ang tainga ng bayan,
gigitaw sa bawat ulunan ang mga sampagita,
humahalimuyak sa insensong sumasanib sa pinipig
ng pag-aaklas. At magpapatuloy ang lahat
isangkot man natin o hindi sa listahan
ng mga duguang anino ang ating pangalan.

Isang Hardin ang Pag-ibig

Isang hardin ang pag-ibig


Isang hardin
ang pag-ibig:

hinihintay munang
matigmak ang lupa
sa luha ng langit
bago ihasik
ang mga punla

hinihintay munang
umusbong ang punla
sa sikat ng araw
bago ilipat
sa pag-uugatan

hinihintay munang
maglunti ang dahon
sa halik ng hangin
bago sumungaw
ang mga bulaklak

hinihintay munang
ngumiti ang kalikasan
sa mapagpalang mga kamay
bago madama
ang tunay na pagmamahal.

Kung nais mo lamang
pigtalin ang mga tangkay,
huwag, pakiusap, huwag
bigkasin ang sagradong
salita.



15 Setyembre 2007

Lobelia Lover's Lullabies

Lobelia Lover’s Lullabies



1. Last day of love

We loved without tomorrow,
without knowing night or day
no trace of rancor
no figment of doubt
until now:
I was awakened
by the soft shower of rain
from a crevice created
by a broken window glass.
Slowly,
a drop
of clayish
blood
crawled
shaped
like
a
tear.

June 2005
I left my lover



2. Leave no traces

Leave no traces
of love in my bed:
I hate cleaning up the mess
of used condoms and semen
splattered on the sheets,
of genetic marks and pubic hair
lingering on my pillow,
of worn out perfume and burnt gel
smashed on the headboard.

I need no reminders
of desires consummated
and dragged to the dustbin
of short-term memory
for my love resides
not in the sexual glands
but in the deepest lacunae
of my spirit.

Love is not for you
or me to make
but that which our soul
once unified gives.

June 2007
I met my soulmate



3. Walk like a man

Today, I walk
in the garden
sniffing scents
of flowers abloom
filling my lungs
with nature's love --
the wind embraces me
butterflies kiss me
the sun showers me
with warmth
as I walk like a man
but with a woman's
exquisite spirit.


July 2007
I fell in love again


4. A vampire’s verisimilitude

Drink
this pained droplets
from my weary wrist
so I may see no more
of betrayed buffoons.

Drink,
let me be the wine
that quenches eternal
your thirst for libidinal liquids
spurting from anonymous flesh.

Drink, my love.
You cannot kill me twice.

August 2007
I hurt my lover



5. Beware, my spirit

Beware, my spirit
love lingers like thorns
in secret crevices:
when you shout
"I'm done with you!"
the real loving begins
and the pain
never ends.

September 2007
I hurt myself

Panunulya sa Ilog

Tuwing tag-araw
malinaw ang tubig-ilog
ng ating kabataan.

Kahit hanggang dibdib
ang agos na tumitilamsik
sa ating mga matang nakasilip
sa naninilaw na mga kuko --
parang tulya, halakhak mo --
mag-uunahan tayong sumisid
hanggang sa pinakamalalim na bahagi.

Maglalambitin tayo sa malaking bato
hanggang makaukyabit patalungko
at papapakin ang mga bayabas na bubot
upang ipambato sa isa't isa kapag nagsawa
sa magkahalong asim at pait na sariwa.

Susunugin ng araw ang ating balat
hanggang mangutim at mamalikaskas
ngunit naghahabulan pa tayong uuwi
sasagasaan ng mga mamad na talampakan
ang alpombrang tuyong dahon ng kawayan
nakalatag sa alikabok ng makipot na daan,
hinahabol ng palupalo ng ina nating
may sunong na batya at kipkip na basang damit.
Ngunit malaya tayo sa anumang sakit.
Malaya tayo sa anumang pasakit.
Dahil batid nating nagmula tayo kapwa
sa iisang sinapupunan -- magkadugo
mula duyan hanggang libingan.

Nilisan natin kapwa ang lunan
ng mga musmos na pangarap
upang isuntok sa buwan ang kinabukasan
kahit ni walang ugat ng punong makapitan
kapag rumagasa ang alon, bumuhos ang ulan
kahit nilalakad mula bahay hanggang eskuwelahan
kapag wala nang maipadala ang mga magulang
kahit naging pabango na ng silid ang sardinas
at nanunutong ang pantalon kapag hinubad
kahit ni walang ugat ng punong makapitan
kapag rumagasa ang alon, bumuhos ang ulan
kahit kumapal ang mukha sa mga kamag-aral
kapag kabikabila na ang di-mabayarang utang.

Natuto tayong makidigma sa bangis ng lungsod
hanggang mamanhid mula katad hanggang ubod
tanging pananggalang sa sakit at pagod
ang pagluha sa gabi't pamamaluktot.

Nakamit mo ang hanap na rangya
hanggang magkulay rosas ang tulyang kuko
habang patuloy kong inawitan ang mga tala
sa langit-langitan ng mga salita.




Nang makita kong muli
ang mga tulya ng iyong daliri,
nakatiwarik na ang langit
lumuluha ang mga kandila
sumasangsang ang mga bulaklak
naglipana ang balana
humuhugong ang lupa
pumapalatak ang hangin
sa panghihinayang.

Walang budhi silang nagpasabog
ng mga punglo sa iyong puso.

Babaylan

Babaylan
Ariel N. Valerio


Nangangalirang
ang latay ng dugo sa aking kandungan,
pinapapak ng maharlikang bangis,
kinukukot na burukratang anis
akong tagasuyo ng lila, taga-unab ng bulak,
tagahabi ng sutlang ngiting gigitaw
sa mga labing pinanday ng ngitngit,
hinulma ng pasakit.

Inilimbag ako
ng fax, kompyuter at betamaks
sa tinta ng pahayagan, gitata ng pistang lansangan,
balisawsaw ng kasaysayan;
pinaghukom ako ng alinsangang umaalimbukay
sa gulyat ng tingga, liglig ng mga lilong salita.

Nang itimbuwang ng aking tinig
at hintuturong nagsusumbong sa langit
ang niknik ng mga V-50, tiktik ng mga Uzi
sa abenidang kubkob ng kotse at pagkain,
bendita at iskapula, banderitas at eskayola,
nagluwal ng yutang amarilyo
ang inaserong dibdib ng bayan ko.

Ngunit
asupre ang Disyembre
ng aking panaginip
sa bukanliwayway ng bangas na bahaghari.
Hagikgik ng tutubing bakal ang pumunit sa himpapawid.
Sansaglit, sumulpot sa tinigang na pinitak
ang halakhak ng metalikong bubuwit, umaalingawngaw
sa laginlin ng dayong parikparik.
Sumungaw ang araw pagbuglaw ng buwan,
sumuka ng gitlang usisa ang buong larangan
at marahas na binaklas ng kaingin
ang pilapil na hinalas ng pamantingin,
ang nananaghiling lamig
hanggang makahiya’t talahib ay magtalukbong ng katal
sa tatag ng aking hiwaga’t himala.

Dinurog ang aking anting-anting.
Bolang apoy,
mga bolang aboy ng RAM at Pentagon
mga bolang apoy ng kanibal sa Washington
mga bolang apoy ng mga sundalong gumon
sa opyo ng linlang at sulsol
ang lumilitis, ang lumalapnos
sa aking kaluluwa,
ngumangatngat, naninigid sa miniskula ng balat
hanggang malimutan ko, malimutan kong lahat
ang pinunlang Pebrero ng pagmamahal.

Ay, babaylan!
balbal mong dila’y tinutumis
sa sangkalan ng talinghaga’t balintuna
ng pingkiang nagkukuta sa mga lihim na lungga
ng tiwaling katiwala
habang tinatadtad ang mapa’t bandila
ng pabrika’t linang na kubabaw ng digma.

Uyayian
ang alpombrang minsang lumatag sa lansangan,
orasyunan
bawat bathalumang yugyog-balikat
humahapay sa kalansay ng panganay,
ikmuhan
ang sikmura ng kunot-noong sanggol
sa pasmadong duyan ng inang nagpapasuso
sa daliring duguan,
ipaglaga ng lagundi
ang amang tanging patubig ang tumangis
sa lalamunang ipinatistis hanggang mamanhid
huwag lamgn humulagpos ang bugtong na nakaina
sa pinid na pitak ng pakikibaka.
Hagupit ng buntot-pagi
ay di rin lalanggas sa tiwangwang na hapdi
sa bawat banta ng pamamaalam,
budburan man ng abo
ang nginingiking bulong ng hatinggabi.

Catalona
ng luhaang lupa,
tumataghoy na pasilyo ng gunita
ako minsan ma’y di naglubid ng taludtod
sa moro-moro ng makatang salawahan,
minsan man ako’y di humimod
ng pilak sa sinakulo ng paminggalan,
minsan ma’y di ako humagod ng lungkot
sa pasyon ng mga pangamba,
kailanma’y di ko ipinagkanulo
ang mga adang binagwisan ng liwanag
ng kubing at tubao, pasiking at tinalak
sa mabining haplos ng mga pangarap.
Ano pang dasal ang di ko nauusal?
Ano pang diyos ang di pinamalimusan?
Ano pang handog ang iaalay sa kidlat at kulog?
Gutom ang banyagang punlong kumakalabit
Sa gatilyo ng kapatid sa kapatid.

Bawat paris ng paang tumikwas at magsiping
sinisilo’y ngalangala ng lagim, nilulunok ang bituka ng dilim
sa pangilin ng multong maniningil
tnagi mang kasukob ay hikbi
ng ginagasang hangin.

Nasaksihan kong lahat
at kinimkim bawat pilat paglisan,
hinilamusan ng halik ang buntong-hininga
sa paglalayag ng dalisay na adhika:
ilibing ang armas, iburol ang dahas.
Makitid ang birtud
ng karisma, gayuma’t agua bendita.
Hindi ko kayang paslangin lahat ng salarin
hindi ko kayang usigin lahat ng salot at sakit
hindi ko kayang sugpuin ang angaw-angaw ninyong hibik
hindi ako manunubos na hulog ng langit
sapag kayo,
kayong kinuba ng pagod,
binansot ng takot, pinagluksa ng baril at kanyon,
kinalbo ng kunsumi sa paghuhunos ng panahon,
kayong nakatarak ang pandinig
sa bawat kislot ng kalikasan, lisaw ng kababayan,
pintig ng kalayaan
ang orakulong huhutok, puwersang magtutundos
ng payapang bukas.

Oremus obispum –
Muli, aandapt ang dilawang liwanag
sa gusgusing sutana ng dapithapon;
Oremus obispum –
Muli, didipa ang dalamhati
aa kalsadang dinasalan ng kandila;
Oremus obispum –
Muli, pawisang aspalto’y uliuilng babatingaw
sa ikaanim na misteryo ng rosaryong kabalan:
Salvanos, salvanos, salvanos.

Perlas
akong dinuduwit ng limbas,
buyangyang na kalamna’y nilalamas
ng armas nukleyar, dinadapurak ng dolyar,
nilalapunday ng transnasyunal
dahil naglilihi ang aking kamalayan
sa mandirigmang sanggol ng sambayanan.

Ako’y mandadawak, ako’y asawang, ako’y mangkukulam,
butas ang palad, naglalagablab
ang mga kukong tinulisan ng muhi at lumbay,
umaapoy ang gulugod na taliba ng gulod
pagpagaspas ng mga palaspas sa malalayang talampas.

Patawarin ako ng puting aninong kumakaluskos
sa mulirat kong bangungot.

Dinadarang ako
ng mga bungong tumitibok sa aking talampakan
dinadarang ako ng mga bangkay na dumadaong
sa baybay ng balintataw kong binubulag
ng insenso arsobispo, tawas kongreso, ostiya negosyo,
dinadarang ako
ng bawat bumbunang binubutas ng dahas,
dinadarang ako
ng nangangalirang na saplot
ng aking bunso.

Bangon, bundok!
Ibulos ang inunan ng dugo,
ang supot ng kumikinang na ginto
sa pusod ng lungsod.
Babaylan akong perlas ng silanganan,
babaylan akong nagluwal ng himagsikan.