Friday, September 3, 2010

Banig ng Pangamba

Banig ng Pangamba


Tukso kang lumatag
sa banig ng aking pangamba,
hinagod ng sariwang hininga
ang mga tulirong luhang
kimkim lagi sa ligamgam ng pag-asa
pero sa gabing ito, pakiusap ko,
ipatong ang iyong palad sa aking puso –
hindi magkakanlong ang init ng aking dugo


1994
(Salamat sa retrieval ni Murphy Red)

Pagpaslang sa mga Pangarap

Sa siyudad,
isa-isa silang humahapay
parang puno ng saging
na tinitiba pagkatapos kumain
ng sebong pinagyelo muna bago madaliang lutuin
at ikinulong sa mga istayropor na de-kolor
at tagusang plastik na tinatakan ng kamatayan.

Sa mga bukid, burol, at bundok
nagbabara ang lalamunan ng mga ilog at batis
sa pinagbalatan ng shampu, nudels, kendi, yosi,
sirang tsinelas na goma
hanggang maging nag-usling mga ngipin
ng isang higanteng halimaw
na lumalamon sa kinabukasan.

Tao ang nagtutundos ng mga pangako sa bukas,
tao rin ang pumapaslang sa kanyang mga pangarap.

(Unang Rebisyon)