Showing posts with label sapat. Show all posts
Showing posts with label sapat. Show all posts

Tuesday, November 6, 2007

Sapat na iyon sa akin

Mahal ko:

Sapat na sa aking nasaling mo ang aking damdamin sa minsan nating pagniniig.

Hindi naman natin ito kailangang ulit-ulitin, tila mga hibang na ipinaghahampasan ang mga aligagang katawang-lupa sa apat na panig ng silid, upang matuklasan ang bukal ng hiwagang nagpapasarap sa bawat pagtatalik.

Wala sa pagpusitsit ng sariwang punlay ang mga himaymay ng pag-ibig. Wala sa bawat haplos ng sutlang palad mong apoy na dumarang sa aking balat hanggang matupok natin ang yutang pintig ng mga sandali. Wala sa pilantik ng mga titig habang magkadikit ang ating mga mukha at malapit nang maglapat ang nagbabagang mga labi.

Hindi ko natagpuan ang hiwaga sa mga larawan ng pag-ibig na ito maliban sa mga titis na nilipad ng hangin sa kawalan.

Tulad mo rin marahil, hindi ko pa rin natatagpuan ang hiwaga ng pag-ibig.

Subalit tiyak akong hindi ito nakapinid sa silid ng ating mga nasa.

Kung saan man ito matatagpuan, hinihiling kong palayain muna natin ang isa't isa upang patuloy na maglakbay sa napakaikling buhay upang tuklasin ang hiwaga ng pagmamahal.

Sapat na sa aking minsang tayong nagsiping.

Ako

Saturday, October 6, 2007

Kung hindi sapat

We may love completely
without completely understanding love

-- A River Runs Through It


Ihinain ko sa hapag
lahat ng panaginip ko't pangarap
para sa iyo, para sa akin
para sa atin.

Ngumiti ka lang
tumayo at lumakad
papunta sa pintuan.

Tumakip ang aking magkabilang palad
sa pawisa't nanlalamig kong mukha,
sinisilip sa mga siwang ng daliri
ang nag-aatubili mong mga labi
ngunit hinawi lamang ng nakiraang hangin
ang mga ligaw na hibla ng iyong buhok
na nakikipaglampungan sa dapithapon:
ako na lang sana
ang hiwa ng liwanag
na humahaplos-haplos
sa iyong batok.

Ihinandog ko na ang lahat.
Patawad kung hindi ako sapat.