Wednesday, November 7, 2007

Ang mga Barya ni Emily Padilla

Ihinatid sa aming tarangkahan isang umaga ng Sabado ang apat na pirasong lilibuhing masinop na nakakubli sa loob ng humahalimuyak na sobre mula sa kaklase noong hayskul na tanyag na ngayong abogada at negosyante ng mga alahas sa probinsiya.

Pagkaalis ng naghatid -- isang dati ring kaklase mula pa noong elementarya na naging hipag ng nagpadala -- na hindi na nakuhang bumaba sa van dahil nagmamaneho pa habang kinukulit ng bunsong anak, dumating naman ang text na humihingi ng paumanhin sa kaunting halagang naimbag sa panahon ng aking kagipitan.

Habang minamasdan ang apat na pirasong papel na lumatag sa aking mga palad, namasa ang aking mga mata at tahimik na dumaloy ang luha hanggang mabasa pati ang kuwelyo ng suot kong kamisetang puti.

Sa tatlong dekada ng aming pagkakakilala, hindi ako tumanong minsan man sa kanila sukdulang lakarin balikan mula kasera hanggang eskuwela para matapos ang kurso sa Diliman.

Subalit nang Sabadong iyong nakabingit ang buhay ng sariling ina sa ospital at nasimot na hanggang sensilyo sa bulsa, ipinagparaya ko na ang anumang pagmamalaking natitira sa aking dibdib upang makatawid siya sa disgrasya.

Sa aking paghalik sa lupa, doon ko nakita ang aking pinag-ugatan at ang bukal ng pagmamahal mula sa mga kababatang kay tagal kong ipinagkait sa sarili.

No comments: