Wednesday, January 16, 2008

Baunin Mo ang Iyong mga Luha

Sa iyong pagkalimot ngayon
Sa inang naghihingalong
Tumatawag sa iyong pangalan,
Baunin mo pati ang iyong luha
Sa kanyang pagpanaw.

Aanhin mong lahat ng lupaing
Ipinakikipagpatayanan
Binubuhusan ng dagat ng salapi
Gayong sandakot na abo lang
Ang isang tao pagkasunog
Sa krematoryum?

Mabibili ba ng lahat mong salapi
Ang ngiti sa inang nagbabaka-sakaling
Mabuhay pa nang kaunti
Upang makausal ng dalangin
Sa mga supling na winatak-watak
Ng sarisariling tatak ng pagkaganid?

Sa iyo nang lahat ng nasa akin
Maging ang magiging mga darating
Huwag mo lang ibilibid ang pisi
Ngayon sa sariling leeg
Habang nagkakait, nagkakait
Sa inang may dakilang awit
Kapag ang mga mata'y
Tuluyang pumikit.

Hindi kapalit ng lahat ng rangya
Ang sansaglit na ligamgam
Ng haplos sa iyong mukha
Ng mga palad na habambuhay
Sa iyong nagpala.

Walang silbi ang mga luha
Kung sa kamatayan pumapatak.

No comments: