Tuesday, February 5, 2008

Sapagkat Kilala Kita

Kilala kita, oo, kilala kita.
Kilala ko ang patulis na mga daliri sa iyong paa
Kilala ko ang kambal na biloy sa iyong balakang
Kilala ko ang pasang-krus na nunal sa iyong katawan
Kilala ko ang mga kuko mong laging bagong tasa
Kapag humagkis sa balat kong katal at pawisan.

Kilala kita, oo, kilala kita.
Kilala ko ang anghang-tamis ng iyong dila
Kilala ko ang liwanag mula sa iyong mga matang
Medusang naglalagos sa aking kaibuturan
Kilala ko ang maalat na patak ng pawis
Sa aking mga labi habang hinihimod ang iyong leeg
Kilala ko maging ang singaw ng bagong tabas na damo
Nangungunyapit sa hangin at sa aking paghimlay.

Kilala kita, mahal ko.
Ngunit hindi ko mahuhulaan kung saan iihip ang hangin bukas
O kung saan hahapay ang mga puno o mahuhulog ang mga dahon
O papatak ang ulan o sisikat ang buwan o aahon ang mga alon
O lulubog ang mundo. Kilala kita hanggang ngayon
Ngunit hindi na kita kilala bukas o sa makalawa
Tulad ng hindi mo rin pagkakilala sa sariling pasya
Kapag binigkas natin ang paalam sa sandaling ito.

Kilala kita, mahal ko, kilala kita.
Ngunit huwag nating sambitin ang pagkabatid
Sa kawalan ng pagkabatid sa bukas.
Hindi ko kilala ang aking sarili
Kapag naglaho ang mga gunita.

No comments: