Monday, October 1, 2007

Babaylan

Babaylan
Ariel N. Valerio


Nangangalirang
ang latay ng dugo sa aking kandungan,
pinapapak ng maharlikang bangis,
kinukukot na burukratang anis
akong tagasuyo ng lila, taga-unab ng bulak,
tagahabi ng sutlang ngiting gigitaw
sa mga labing pinanday ng ngitngit,
hinulma ng pasakit.

Inilimbag ako
ng fax, kompyuter at betamaks
sa tinta ng pahayagan, gitata ng pistang lansangan,
balisawsaw ng kasaysayan;
pinaghukom ako ng alinsangang umaalimbukay
sa gulyat ng tingga, liglig ng mga lilong salita.

Nang itimbuwang ng aking tinig
at hintuturong nagsusumbong sa langit
ang niknik ng mga V-50, tiktik ng mga Uzi
sa abenidang kubkob ng kotse at pagkain,
bendita at iskapula, banderitas at eskayola,
nagluwal ng yutang amarilyo
ang inaserong dibdib ng bayan ko.

Ngunit
asupre ang Disyembre
ng aking panaginip
sa bukanliwayway ng bangas na bahaghari.
Hagikgik ng tutubing bakal ang pumunit sa himpapawid.
Sansaglit, sumulpot sa tinigang na pinitak
ang halakhak ng metalikong bubuwit, umaalingawngaw
sa laginlin ng dayong parikparik.
Sumungaw ang araw pagbuglaw ng buwan,
sumuka ng gitlang usisa ang buong larangan
at marahas na binaklas ng kaingin
ang pilapil na hinalas ng pamantingin,
ang nananaghiling lamig
hanggang makahiya’t talahib ay magtalukbong ng katal
sa tatag ng aking hiwaga’t himala.

Dinurog ang aking anting-anting.
Bolang apoy,
mga bolang aboy ng RAM at Pentagon
mga bolang apoy ng kanibal sa Washington
mga bolang apoy ng mga sundalong gumon
sa opyo ng linlang at sulsol
ang lumilitis, ang lumalapnos
sa aking kaluluwa,
ngumangatngat, naninigid sa miniskula ng balat
hanggang malimutan ko, malimutan kong lahat
ang pinunlang Pebrero ng pagmamahal.

Ay, babaylan!
balbal mong dila’y tinutumis
sa sangkalan ng talinghaga’t balintuna
ng pingkiang nagkukuta sa mga lihim na lungga
ng tiwaling katiwala
habang tinatadtad ang mapa’t bandila
ng pabrika’t linang na kubabaw ng digma.

Uyayian
ang alpombrang minsang lumatag sa lansangan,
orasyunan
bawat bathalumang yugyog-balikat
humahapay sa kalansay ng panganay,
ikmuhan
ang sikmura ng kunot-noong sanggol
sa pasmadong duyan ng inang nagpapasuso
sa daliring duguan,
ipaglaga ng lagundi
ang amang tanging patubig ang tumangis
sa lalamunang ipinatistis hanggang mamanhid
huwag lamgn humulagpos ang bugtong na nakaina
sa pinid na pitak ng pakikibaka.
Hagupit ng buntot-pagi
ay di rin lalanggas sa tiwangwang na hapdi
sa bawat banta ng pamamaalam,
budburan man ng abo
ang nginingiking bulong ng hatinggabi.

Catalona
ng luhaang lupa,
tumataghoy na pasilyo ng gunita
ako minsan ma’y di naglubid ng taludtod
sa moro-moro ng makatang salawahan,
minsan man ako’y di humimod
ng pilak sa sinakulo ng paminggalan,
minsan ma’y di ako humagod ng lungkot
sa pasyon ng mga pangamba,
kailanma’y di ko ipinagkanulo
ang mga adang binagwisan ng liwanag
ng kubing at tubao, pasiking at tinalak
sa mabining haplos ng mga pangarap.
Ano pang dasal ang di ko nauusal?
Ano pang diyos ang di pinamalimusan?
Ano pang handog ang iaalay sa kidlat at kulog?
Gutom ang banyagang punlong kumakalabit
Sa gatilyo ng kapatid sa kapatid.

Bawat paris ng paang tumikwas at magsiping
sinisilo’y ngalangala ng lagim, nilulunok ang bituka ng dilim
sa pangilin ng multong maniningil
tnagi mang kasukob ay hikbi
ng ginagasang hangin.

Nasaksihan kong lahat
at kinimkim bawat pilat paglisan,
hinilamusan ng halik ang buntong-hininga
sa paglalayag ng dalisay na adhika:
ilibing ang armas, iburol ang dahas.
Makitid ang birtud
ng karisma, gayuma’t agua bendita.
Hindi ko kayang paslangin lahat ng salarin
hindi ko kayang usigin lahat ng salot at sakit
hindi ko kayang sugpuin ang angaw-angaw ninyong hibik
hindi ako manunubos na hulog ng langit
sapag kayo,
kayong kinuba ng pagod,
binansot ng takot, pinagluksa ng baril at kanyon,
kinalbo ng kunsumi sa paghuhunos ng panahon,
kayong nakatarak ang pandinig
sa bawat kislot ng kalikasan, lisaw ng kababayan,
pintig ng kalayaan
ang orakulong huhutok, puwersang magtutundos
ng payapang bukas.

Oremus obispum –
Muli, aandapt ang dilawang liwanag
sa gusgusing sutana ng dapithapon;
Oremus obispum –
Muli, didipa ang dalamhati
aa kalsadang dinasalan ng kandila;
Oremus obispum –
Muli, pawisang aspalto’y uliuilng babatingaw
sa ikaanim na misteryo ng rosaryong kabalan:
Salvanos, salvanos, salvanos.

Perlas
akong dinuduwit ng limbas,
buyangyang na kalamna’y nilalamas
ng armas nukleyar, dinadapurak ng dolyar,
nilalapunday ng transnasyunal
dahil naglilihi ang aking kamalayan
sa mandirigmang sanggol ng sambayanan.

Ako’y mandadawak, ako’y asawang, ako’y mangkukulam,
butas ang palad, naglalagablab
ang mga kukong tinulisan ng muhi at lumbay,
umaapoy ang gulugod na taliba ng gulod
pagpagaspas ng mga palaspas sa malalayang talampas.

Patawarin ako ng puting aninong kumakaluskos
sa mulirat kong bangungot.

Dinadarang ako
ng mga bungong tumitibok sa aking talampakan
dinadarang ako ng mga bangkay na dumadaong
sa baybay ng balintataw kong binubulag
ng insenso arsobispo, tawas kongreso, ostiya negosyo,
dinadarang ako
ng bawat bumbunang binubutas ng dahas,
dinadarang ako
ng nangangalirang na saplot
ng aking bunso.

Bangon, bundok!
Ibulos ang inunan ng dugo,
ang supot ng kumikinang na ginto
sa pusod ng lungsod.
Babaylan akong perlas ng silanganan,
babaylan akong nagluwal ng himagsikan.

No comments: