Saturday, October 20, 2007

Hindi na natutulog ang mga gabi

Hindi na natutulog
ang mga gabi.

Dito sa baybay,
walang humpay ang hampas
ng mga alon sa batuhan.

Ayaw pumikit ng mga bituin
at mulagat lagi ang buwan
habang minamasdan ang marahang
paglubog ng iyong larawan.

Nakabibingi ang koro ng mga kuliglig
na sumasalit-salit sa pagaspas ng hangin
at lagaslas ng mga bula sa aking talampakang
nakalawlaw sa gilid ng isang bangka
habang naghahalikan ang tubig at buwan
sa malayong panginoring kinaiingitan
ng mga mata kong kukurap-kurap na lang
sa paghihintay lunukin ng dagat
ang iyong larawan.
Sa katahimikan, biglang lulutang
ang tinig mong tumatawag
sa aking pangalan, humahagikgik
na pinapahid ng dila
ang mga alaala.

Ngunit lulubog-lilitaw sa tubig-alat
ang kislap ng iyong mga matang
ayaw tumigil nang pagkutitap sa dilim,
ang mga labi mong posporong
umiigkas sa kilapsaw ng mga alon,
ang iyong mga daliring nanunurot
sa aking dibdib. Oo, kasalanan ko
ang umibig nang walang iniwan para sa sarili
maliban sa bakas ng iyong mga halik
sa aking pisngi, sa aking leeg, sa aking dibdib
maliban sa ilang hibla ng buhok na nalagas
at ihinatid ng hangin sa aking mga palad
maliban sa malalalim na gasgas sa aking gunitang
hindi kayang tangayin ng alon sa pampang
hindi kayang lunurin ng uliuli sa dagat
hindi kayang ilibing ng mga luhang kumakalat
sa pusod ng gabing di makatulog sa hapdi
ng inaasinang sugat sa puso sa bawat sandali.

No comments: