Monday, October 1, 2007

Panunulya sa Ilog

Tuwing tag-araw
malinaw ang tubig-ilog
ng ating kabataan.

Kahit hanggang dibdib
ang agos na tumitilamsik
sa ating mga matang nakasilip
sa naninilaw na mga kuko --
parang tulya, halakhak mo --
mag-uunahan tayong sumisid
hanggang sa pinakamalalim na bahagi.

Maglalambitin tayo sa malaking bato
hanggang makaukyabit patalungko
at papapakin ang mga bayabas na bubot
upang ipambato sa isa't isa kapag nagsawa
sa magkahalong asim at pait na sariwa.

Susunugin ng araw ang ating balat
hanggang mangutim at mamalikaskas
ngunit naghahabulan pa tayong uuwi
sasagasaan ng mga mamad na talampakan
ang alpombrang tuyong dahon ng kawayan
nakalatag sa alikabok ng makipot na daan,
hinahabol ng palupalo ng ina nating
may sunong na batya at kipkip na basang damit.
Ngunit malaya tayo sa anumang sakit.
Malaya tayo sa anumang pasakit.
Dahil batid nating nagmula tayo kapwa
sa iisang sinapupunan -- magkadugo
mula duyan hanggang libingan.

Nilisan natin kapwa ang lunan
ng mga musmos na pangarap
upang isuntok sa buwan ang kinabukasan
kahit ni walang ugat ng punong makapitan
kapag rumagasa ang alon, bumuhos ang ulan
kahit nilalakad mula bahay hanggang eskuwelahan
kapag wala nang maipadala ang mga magulang
kahit naging pabango na ng silid ang sardinas
at nanunutong ang pantalon kapag hinubad
kahit ni walang ugat ng punong makapitan
kapag rumagasa ang alon, bumuhos ang ulan
kahit kumapal ang mukha sa mga kamag-aral
kapag kabikabila na ang di-mabayarang utang.

Natuto tayong makidigma sa bangis ng lungsod
hanggang mamanhid mula katad hanggang ubod
tanging pananggalang sa sakit at pagod
ang pagluha sa gabi't pamamaluktot.

Nakamit mo ang hanap na rangya
hanggang magkulay rosas ang tulyang kuko
habang patuloy kong inawitan ang mga tala
sa langit-langitan ng mga salita.




Nang makita kong muli
ang mga tulya ng iyong daliri,
nakatiwarik na ang langit
lumuluha ang mga kandila
sumasangsang ang mga bulaklak
naglipana ang balana
humuhugong ang lupa
pumapalatak ang hangin
sa panghihinayang.

Walang budhi silang nagpasabog
ng mga punglo sa iyong puso.

No comments: